Hinangaan ng mga kapwa netizen at dog lovers si Noah Portuguez, 33-anyos mula sa lalawigan ng Bicol, matapos niyang ibahagi ang pagliligtas niya sa dalawang asong aksidenteng nahulog sa isang bukas na pozo negro sa kanilang lugar, matapos nilang mag-away.

Kuwento ni Noah, hindi raw niya matagalang hindi saklolohan ang dalawang aso lalo't umuulan-ulan pa noong mga panahong iyon.

"Ingat sa susunod doggie. Buti nakita kita, hinawakan kita para itaas kinagat mo ako buti di nakadiin at na late pa ako sa work.

Ok lang importante ok ka na… ingat ka lagi doggie," saad ni Noah sa caption niya, sa kaniyang Facebook post sa page na "ASPIN LOVERS PHILIPPINES."

Human-Interest

Netizen, ayaw na magbigay ng regalo sa pamilya niyang hindi marunong mag-appreciate

Screengrab mula sa FB page na ASPIN LOVERS PHILIPPINES

Sa comment section ay marami naman ang pumuri sa kaniyang ginawa. Marami rin ang nagtanong kung nasaan na ang aso matapos niyang i-ahon mula sa pozo negro.

Sagot ni Noah, tumakbo na ito palayo at hindi na niya nakuhanan ng litrato.

Hindi na raw mahalaga iyon, dahil ang mas mahalaga, ligtas na ang dalawang aso.

Nagpaunlak ng eksklusibong panayam sa Balita Online si Noah.

"Di ko kasi kayang makita o matiis naghihirap yung aso lalo sa ganun na kondisyon na ramdam ko yung lamig at hirap niya. At umiiyak na talaga siya lalo umuulan," kuwento ni Noah sa panayam ng Balita Online.

"May kaaway po siya, dalawa po sila nahulog, yung isa nakuha ko kasi di naman po nangagat 'yan po yung naiwan kasi kinagat niya po ako. Namula lang naman po. Kaya nahirapan kami i-save si Doggie. Sinubukan din po hawakan ng kasama ko kinagat din po."

"Kaya kamuha kami hagdan para doon siya tumayo habang nakaalalay kami sa kaniya gamit ang kahoy pataas. Kaso nung nakaakyat na siya, tumakbo siya mabilis na takot na takot…"

"Importante okay na si Doggie," pahabol pa niya.

Maayos naman ang kalagayan ni Noah kahit na medyo nasakmal siya ng aso, dahil hindi naman daw bumaon ang mga ngipin nito.

Hiling niya na sana raw ay matakpan na ang pozo negrong walang harang ng mga may-ari nito upang hindi na makadisgrasya ng tao o hayop.