Gaya ng maraming Pilipino, naniniwala ang Rolling Stone na isa ang hindi pagkaka-nomina bilang best supporting actress ni Dolly De Leon sa “Top 5 Biggest Snubs” ng Oscars sa taong ito.

Base sa website ng Rolling Stone, ang pagganap ni De Leon bilang Abigail sa pelikulang “Triangle of Sadness” ang siyang “saving grace” nito na nagbigay sa aktres ng higit dalawampung nominasyon sa iba’t ibang award giving bodies kabilang ang Golden Globes at British Academy of Film and Television Arts o BAFTA, na siya namang gaganapin sa susunod na buwan.

“It would have been lovely to see de Leon, a veteran Filipina actress of stage and screen, be recognized by the Academy for her tremendous effort,” dagdag pa ng Rolling Stone.

Ilang oras bago i-anunsyo ang Oscar nominations, nagwagi si De Leon ng best actress in a supporting role award sa Guldbagge Awards sa bansang Sweden at kamakailan ay personal niyang tinanggap ang parehong pangaral mula naman sa Los Angeles Film Critics Association.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sa kabila nang hindi pagkaka-nomina ni De Leon sa Academy Awards, tuloy-tuloy naman ang international projects ng beteranang aktres. Sa darating na Marso ay gugulong na ang camera para sa proyekto niya kasama ang Hollywood actor na si Jason Schwartzman.

Samantala, mainit naman ang pagtanggap ng fans sa kaniyang special appearance sa teleseryeng “Dirty Linen” ng ABS-CBN kung saan sentro ang karakter niya sa magiging takbo ng kuwento.