Inanunsyo ni Mayor Denver Chua nitong Huwebes, Enero 26, na magpapatupad sila ng curfew para sa mga kabataan dahil sa nangyaring insidente ng pagsabog ng granada kagabi, Enero 25.

Sa pahayag ni Chua, magsisimula ang nasabing curfew para sa mga kabataang may edad 18-anyos pababa ngayong araw mula 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng madaling araw.

Tinatayang pitong katao ang naging biktima ng nasabing pagsabog kung saan tat lo sa mga ito ang nasawi habang apat naman ang nasa ospital, kabilang ang isa sa mga suspek na nakahulog ng granada.

Nakilala ang mga nasawi bilang Julius Tindoc, Joseph Barrera, at Mark Gio Layug habang ginagamot naman sa ospital sina Erickson Valenzuela, Alejandro Dizon, at Reymart Patricio, kasama ang suspek na si Arjay Camacho.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ipinadala naman sa City Social Welfare and Development Office ang isa pang suspek na si Alias Daniel, isang menor de edad.

Sa ulat ng mga pulis, nangyari ang pagsabog nang madatnan ng mga tanod ang dalawang grupo ng mga kabataang lalaki na nagkakagulo sa Sta. Cruz, Cavite City, bandang 11:58 kagabi.

Nakita raw ng rumespondeng tanod ang suspek na si Camacho na may hawak na granada. Nagbanta umano ito na tatanggalin niya ang firing pin sa kaniyang daliri kapag siya ay hinuli ng mga tanod. Ngunit sa taranta ay nabitawan niya ang granada, dahilan ng pagsabog nito.

“Lagi po tayong mag-iingat, at iwasan natin masangkot sa mga ganitong uri ng kaguluhan. Hinihiling po namin ang panalangin ng bawat isa para sa mga biktima nang nasabing insidenteng ito,” ani Chua.