Usap-usapan ngayon sa social media ang post ng netizen na si Michiko Nazar tampok ang karanasan niya sa isang lomihan na mayroon umanong “bring your own sibuyas” na polisiya sa Lipa, Batangas.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng nakararami na mahal na ngayon ang kilo ng sibuyas.
Sa panayam ng Balita Online, ibinahagi ni Nazar na noong Sabado, Enero 21, nangyari ang nasabing post.
“Huli akong nakakain ng lomi sa Lipa was years ago pa at unli sibuyas pa noon. Pero first time kong kumain sa store na ‘to, which happened to still be open kahit late night na,” kuwento niya.
Nang mga oras daw na iyon, medyo marami ang customers, ngunit kapansin-pansin ang dalawa sa kanila ay may sibuyas sa platito. Akala raw niya na upon request ang serving ng sibuyas doon. Kaya naman nagtanong siya sa nagtitinda kung pwedeng humingi ng sibuyas.
Nang sabihin daw ng tindera na wala silang sibuyas, tinuro ni Nazar ang lomi ng kabilang table na may sibuyas. Hanggang sa nagulat at natawa na lang daw siya nang banggitin nitong bring your own sibuyas o “BYOS” ang polisiya nila doon.
“Naisip ko ‘yung implication nong BYOS sa business nila, sa mga kababayan natin, and sa economy natin in general. Times must be tough for an agricultural country to implement the ‘bring your own sibuyas’ policy in restaurants,” saad ni Nazar.
“Sana pagbalik kong Lipa, unli sibuyas na ulit,” dagdag niya.
Umani na ng mahigit 3,600 reactions at 212 comments ang post ni Nazar tungkol dito.
“Noong nakaraang umorder kami ng online sa pizza hut, wala na ring onion hahaha. Free to add more cheese or bell pepper na lang ,” kuwento naman ng isang netizen sa comment section.