Isang 15-anyos na batang lalaki mula sa Bangladesh ang nakarating sa Malaysia matapos magtago sa isang container habang nakikipaglaro ng tagu-taguan kasama ang kaniyang mga kaibigan.

Ayon sa mga ulat, nang magtago raw sa container ang bata, aksidente siyang na-lock at nakulong hanggang sa nakatulog siya doon noong Enero 11. 

Nagsimula naman ang paglalakbay ng barko na kinalalagyan ng container mula sa Chittagong, Bangladesh hanggang sa makarating sa Port Klang sa Malaysia noong Enero 17.

Sa anim na araw na paglalakbay sa halos 2,000 milyang layo, sumisigaw raw ng tulong ang bata ngunit walang nakakarinig sa kaniya.

ALAMIN: Mga paraan upang labanan ang '12 scams of Christmas'

Hanggang sa nang makarating ang barko sa Port Klang sa Malaysia, nagulat ang mga tauhan dito nang biglang lumitaw sa container ang batang hindi makapagsalita at makaintindi ng kanilang lengguwahe.

Dahil sa panghihina nito, agad nilang isinakay sa ambulansya ang bata at dinala sa pinakamalapit na ospital.

Napagkamalan pa umano ng mga awtoridad ang batang biktima ng human trafficking kaya agad silang tumawag ng pulis. Ngunit agad ding napatunayang napadpad lamang siya doon dahil sa paglalaro.

Habang nagpapagaling sa ospital, inaasikaso na ngayon ang pagpapabalik ng bata sa tahanan nito sa Bangladesh.

Samantala, palaisipan pa rin kung paano ito nabuhay sa loob ng container sa loob ng anim na araw na wala man lamang kahit anong pagkain at inumin.

Hindi ito ang unang naiulat na batang nasilid sa container at naibyahe mula Bangladesh hanggang Malaysia. Noong Oktubre ng nakaraang taon, nadiskubre ng mga pulis sa Penang post sa Malaysia ang bangkay ng isang batang nasilid din sa isang container na nanggaling din sa Chittagong, Bangladesh.