Tatlong eskwelahan na sa Quezon City ang binulabog ng bomb threat sa loob ng apat na araw.

Sa pahayag ng Quezon City Police District-Explosive and Ordnance Division (QCPD-EOD), ang huling insidente ay naganap sa Ponciano Bernardo High School sa Barangay Kaunlaran, Cubao nitong Huwebes ng umaga.

Binanggit ng QCPD-EOD, kaagad silang nagresponde sa lugar matapos matanggap ang impormasyon.

Ayon sa pulisya, ang nasabing pagbabanta ay nabasa ng gurong si Marlon Trinidad, 27, sa Facebook page ng eskwelahan.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Nasa bahay pa lang umano si Trinidad nang mabasa nito ang mensahe mula sa isang Bob Key Ser Panganiban na nagsasabing may itinanim na bomba sa gusali kung saan nagsasagawa ng pagsusulit ang mga estudyante sa elementarya.

"May itinanim akong bomba sa elementary, sama-sama tayong mauubos," bahagi umano ng pagbabanta.

Matapos ang ilang minutong paghalughog ng mga pulis, negatibo sa bomba ang paaralan.

Kaagad namang sinuspindi ang klase upang matiyak ang kanilang kaligtasan ng mga mag-aaral.

Nitong Lunes, nabalot ng tensyon ang New Era Elementary School sa Barangay Culiat, QC dahil sa pagbabantang pasasabugin ito.

Nakatanggap din ng bomb threat ang San Francisco High School sa Brgy. Bago Bantay nitong Miyerkules ng hapon.