Naniniwala ang senador at chair ng Senate committee on agriculture, food and agrarian reform na si Senadora Cynthia Villar na ang ang dapat na pinakamahalagang katangian ng susunod na kalihim ng Department of Agriculture ay may pagmamahal sa mga magsasaka.

Ipinahayag ni Villar ang kaniyang palagay tungkol sa katangian ng susunod na DA Secretary sa panayam ng mga reporter, nang matanong siya kung ano ang masasabi niya sa pahayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., na ang susunod na kalihim ng Agriculture department ay eksperto sa naturang field.

"Maraming expert kaya lang kung wala namang heart for the farmers, aapihin din ang mga small farmers," ani Villar.

"Ako maganda rin yung may secretary of Agriculture but be sure na 'yung secretary of Agri eh mahal ang farmer kasi kahit ikaw ay may secretary of Agriculture, kung hindi mo naman mahal ang farmer eh di wala ring serbisyo," dagdag pa.

Kapag may pagmamahal umano sa mga magsasaka ang susunod na kalihim, tiyak na hindi ito mabubuyo sa anumang temptasyon.

Natanong naman ang senadora kung sino sa tingin niya ang napipisil niyang maaaring irekomenda sa posisyon.

Tumangging magbigay ng pangalan si Villar dahil baka raw masisi siya kapag pumalpak ito; isa pa, hindi naman daw siya ang presidente para maghanap ng susunod na kalihim ng DA.