Iniulat ng Department of Transportation (DOTr) nitong Miyerkules na naitala ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang pinakamataas na bilang ng pasahero na kanilang napagsilbihan sa loob ng dalawang taon at pitong buwan.
Ayon sa DOTr, noong Biyernes, Enero 20, 2023, ay nakapagtala sila ng kabuuang 396,345 pasahero na naisakay at naihatid sa kani-kanilang destinasyon.
Ito na anila ang pinakamataas na bilang ng pasahero na kanilang naisakay mula Hunyo 1, 2020 hanggang Enero 20, 2023.
Matatandaang sadyang bumaba ang bilang ng mga mananakay na gumamit ng linya nang isailalim ang Metro Manila sa community quarantine noong umpisa ng Covid-19 pandemic.
Bago nito, nasa kabuuang 389,036 pasahero ang pinakamataas na naiulat ng MRT-3 na sumakay ng linya, sa kasagsagan ng pagpapatupad ng Libreng Sakay noong Hunyo 2022.
Anang DOTr, ang pagtaas ng bilang ng mga pasaherong nabibigyan serbisyo ng MRT-3 ay bunga ng maayos na pangangalaga at rehabilitasyon ng mga bagon at subsystems ng linya.
Matatandaang natapos ang malawakang rehabilitasyon ng MRT-3 noong Disyembre 2021.
Nagbigay-daan ito upang maibalik ang highest operating speed ng mga tren sa 60 kph mula 30 kph.
Bumaba rin ang headway o oras sa pagitan ng mga tren sa 4-4.5 minuto mula 8-9.5 minuto tuwing peak hours.
Umiksi rin naman ang travel time ng tren mula North Avenue Station hanggang Taft Avenue Station sa 30-35 minuto mula 1 oras at 15 minuto.
Sa kasalukuyan, 18 hanggang 21 train sets ang tumatakbo sa linya ng MRT-3 tuwing peak hours.
"Patunay po ang patuloy na pagtangkilik ng ating mga pasahero sa mas mabuting serbisyong ating pinupursiging ibigay sa kanila sa araw-araw. Asahan po ninyong patuloy pang pagbubutihin ang serbisyo ng MRT-3 upang mas marami pang pasahero ang makaranas ng ligtas, komportable, at maaasahang biyahe sa ating linya," ayon kay General Manager Engr. Federico J. Canar, Jr..
Samantala, mahigpit pa ring ipinatutupad loob ng mga tren, ayon sa rekomendasyon ng mga eksperto sa kalusugan, ang (1) palagiang pagsusuot ng face mask, (2) pagbabawal sa pagsasalita at pakikipag-usap sa telepono, (3) pagbabawal kumain, uminom at paninigarilyo, (4) pagpapanatili nang maayos at sapat na ventilation sa mga PUV, (5) laging pagsagawa ng disinfection, (6) pagbawal pagpasakay ng pasaherong may sintomas ng Covid-19 sa pampublikong transportasyon, at (7) Laging pagsunod sa panuntunan ng appropriate physical distancing.