Pinag-aaralan na ng Commission on Elections (Comelec) na payagan ang pagdaraos ng botohan sa malls o mall voting para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, mismong ang mga mall operators ay bukas din sa naturang ideya.

“Patuloy po at napakainit talaga ng pagtanggap po ng mga mall sa atin pong idea na yan, sapagkat sa kasalukuyan po ay binibigyan din po niya tayo ng mga espasyo para sa ating satellite registration at saka registration anywhere project,” ani Garcia, sa panayam sa teleradyo. 

Aniya pa, maaaring magsagawa sila ng pilot test dito at mag-sample sa ilang malls sa Metro Manila muna upang malaman kung maaari ba talaga itong maisagawa sa 2023 BSKE.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Mainam kasi aniya na makapagdaos rin ng halalan sa malls dahil mas maluwag doon, mas kumportable at mas nakatitiyak sa seguridad ng mga botante.

“Baka pupuwede, itong darating na barangay and SK elections magpilot muna tayo, mag-sample tayo ng ilang malls, kahit dito sa Metro Manila, upang makuha natin, kaya ba talaga, pwede ba natin talaga dalhin ang ating mga kababayan sa malls, doon sila boboto," ani Garcia.

Dagdag pa niya, “At the same time, mas mabibigyan tayo ng malawak na espasyo at mas masisigurado ang seguridad ng mga kababayan natin habang bumoboto."

Nilinaw naman ni Garcia na tanging ang mga residente ng mga barangay lamang na malapit sa malls ang papayagang bumoto doon, bilang pagtalima sa Omnibus Election Code.

“Ang nakalagay lamang po, kinakailangan yung kung saan sila boboto, ay doon sa kung saan yung pinakamalapit sa lahat,” paliwanag ng poll chief. “So ang gagawin po namin, kung ano yung mga presinto o barangays na nandoon mismo sa vicinity ng mall, yun po yung aming ilalagay na, o ililipat ng botohan sa mall, so meaning to say wala pong maba-violate na batas sapagkat ang tawag po dito ay transfer lang of polling place."

Kumpiyansa rin naman si Garcia na hindi gagastos ang Comelec ng malaki sa mall voting dahil maaari aniyang pumayag ang mga mall owners na magbigay ng voting spaces ng libre, kapalit ng foot traffic na hatid ng halalan.

“Kahit paano, siguradong-sigurado naman, na yung ating mga kababayan kapagka pumupunta dyan katulad din kapagka pumupunta sa mga paaralan, maaaring mag-softdrinks man lang o uminom, siyempre kahit papaano, ang iba dyan nagwi-window shopping pag katapos bumoto,” aniya pa.

“Sa ating palagay, ganoon din naman po yung effect eh, madami rin naman po tayo kababayan na pag pumunta sa eskwelahan, pagkatapos na pagkatapos pupunta rin sa mall. Ganoon din po. Eh hindi ba mas magandang yung mga kababayan natin nakapila, kahit nakapila komportable, naka-aircon," dagdag pa ni Garcia. 

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang voter registration para sa 2023 BSKE at magtatapos ito sa Enero 31, 2023.