Naitala ng Baguio City at Basco, Batanes ang parehong minimum air temperature na 13 degrees Celsius (°C) noong Miyerkules ng umaga, Enero 25, batay sa monitoring ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ang 13 °C na temperatura ang pinakamababa noong Miyerkules, na naitala alas-4:50 ng umaga sa Baguio at alas-8 ng umaga sa Basco.

Ang Baguio City, na may taas na 1,500 metro, ay kinikilala bilang summer capital ng bansa.

Sinabi ng PAGASA na ang lungsod ay may average na taunang temperatura na 18.3 ℃, na maihahambing sa mga lugar na may temperate na klima.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ang pinakamababang temperatura ng hangin na naitala sa bansa ay 6.3 ℃ sa Baguio City noong Enero 18, 1961.

Batay sa datos ng PAGASA nitong Miyerkules, ang nangungunang 10 istasyon na nagtala ng pinakamababang temperatura ng hangin sa buong araw ay:

Baguio City (13.0℃)

Basco, Batanes (13.0°C)

Calayan, Cagayan (16.4°C)

Tuguegarao City, Cagayan (18.6°C)

Tanay, Rizal (18.8°C)

Malaybalay, Bukidnon (19.0°C)

Sinait, Ilocos Sur (19.2°C)

Aparri, Cagayan (19.8°C)

Casiguran, Aurora (19.8°C)

Abucay, Bataan (20.7°C)

Inaasahan ng PAGASA ang mga cold surges dahil sa northeast monsoon o “amihan” hanggang Pebrero.

Ellalyn De Vera-Ruiz