BAGUIO CITY – Inaresto ng pulisya ang isang suspek sa panggagahasa, na itinala bilang No.5 Regional Top Most Wanted Person sa Cordillera, mula sa kanyang hideout sa Barangay Poblacion, Tuba, Benguet, noong Enero 20.
Kinilala ang nadakip na si Jonathan Madrid Mazaredo, 23, water delivery crew, at kasalukuyang naninirahan sa No. 221A Purok 5, Upper Pinget Baguio City.
Pinangunahan ng mga tauhan ng Police Station 2 ng Baguio City Police Office ang pagdakip sa suspek bandang 3:35 ng hapon alinsunod sa warrant of arrest na inisyu ni Judge Modesto D. Bahul, Jr. ng Branch 2, Family Court, First Judicial Region, Regional Trial Court, Baguio City para sa Statutory Rape Art. 226-A ng Revised Penal Code na inamyendahan ng Republic Act 11648 na walang inirekomendang piyansa.
Sa imbestigasyon, naganap ang panggagahasa noong Nobyembre 2022. Nag-inuman ang suspek at ang biktimang si "Lea," 14, sa bahay nito sa Upper Pinget, Baguio City.
Nang malasing at mahilo ang biktima, dinala umano ng suspek ang biktima sa kaniyang silid at pinagsamantalahan.
Samantala, dinala ang ang suspek sa Station 2 Camdas para sa dokumentasyon. Isang Body Worn Camera (BWC) ang ginamit ng pulisya sa pag-aresto.