Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Lunes, Enero 23, na magtatatag ito ng Motorcycle Riding Academy sa Metro Manila upang mabawasan ang mga aksidente sa daan.

Sa pahayag ni MMDA Acting Chair Don Artes, kinumpirma niya na magkakaroon sila ng technical working group na siyang mangunguna sa pagbuo ng Motorcycle Safety Training Course module para sa mga nagmomotorsiklo, baguhan man o sanay nang mag-motor.

“The Academy would provide riders with formal training on both theoretical and practical aspects of motorcycle riding,” aniya. “It's a good opportunity for them to refresh and hone their riding skills and to provide first aid to people who will encounter unexpected road accidents.”

Planong simulan ng MMDA ang naturang proyekto sa unang tatlong buwan ng taong ito.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ilan daw sa mga ituturo ng naturang akademya ay ang Motorcycle Riding Courtesy, Motorcycle Orientation, Road Traffic Rules and Regulations, and Motorcycle Safety Laws; while simulation exercises include Preparing to Ride, Common Riding Situations, MC Safety Driving Demonstration, at Motorcycle Basic Riding Course.

Tinitingnan naman ng ahensya bilang lokasyon ng nasabing proyekto ang bakanteng ari-arian ng Government Service Insurance System (GSIS) sa Julia Vargas Avenue corner Meralco Avenue, Pasig City. Gagawa umano ang MMDA at GSIS ng Memorandum of Agreement para rito.

Makikipagtulungan din ang MMDA sa mga lokal na pamahalaan ng Metro Manila at iba pang kinauukulan upang mas maipakilala sa publiko ang Motorcycle Riding Academy.

Bukod dito, nakikipanayam na rin daw ang ahensya sa motorcycle ride-hailing groups tulad ng “Grab” upang ang sinumang maka-kompleto ng kurso sa nasabing akademya ay magiging prayoridad sa pagtanggap ng trabaho.

Ayon pa sa MMDA, resulta ang Motorcycle Riding Academy ng kanilang Traffic Summit noong nakaraang taon kung saan lumabas na kinakailangan talagang magkaroon ng pagsasanay hinggil sa road safety at mga polisiya tungkol sa trapiko ang mga nagmomotorsiklo sa bansa.

Binigyang diin din ng ahensya na noong taong 2018, naitala ng MMDA Metro Manila Accident Reporting and Analysis System (MMARAS) na 224 sa 590 o tinatayang 38% sa mga nasawi dahil sa aksidente sa daan ay mga nagmomotorsiklo. Umakyat ito sa 253 noong 2020, at lalo pa itong tumaas sa sumunod na taon kung saan nakapagtala ang ahensya ng 295 motorcycle incidents noong 2021.

Sa ulat naman daw World Health Organization (WHO) hinggil sa 2018 Global Status Report ng Road Safety, pang-11 ang Pilipinas sa 175 mga bansa na may pinakamaraming naitalang kaso ng mga nasawi dahil sa road traffic, kung saan 10,012 o 4.7% sa mga drayber o pasahero rito ay nakasakay sa sasakyang may dalawa o tatlong gulong.