Nagpabilib sa mga netizen ang Facebook post ni Marilou D. Nuevo ng General Trias, Cavite, hinggil sa ipinasang proyekto ng kaniyang anak na si France Vianney D. Nuevo, 11-anyos, Grade 6 ng Our Lady of Remedios Montessori School. para sa asignaturang Araling Panlipunan (AP).

Ang proyekto umano ng guro ay maghanap ng isang bayaning Pilipino na maaaring gayahin. Napili nila ang kabiyak ni Gat Andres Bonifacio na si Gregoria De Jesus o kilala rin sa palayaw na Ka Oriang.

Palagay ni Marilou ay na-achieve naman ng anak ang paggaya kay Ka Oriang.

"Project in Araling Panlipunan. Maghanap ng bayani na nais gayahin. Na-achieve naman ni Ycay na gayahin si Gregoria De Jesus sa larawang ito. Pati nunal ginaya. Dahil d'yan 98 daw ang grade n'ya sa project na ito at dinisplay daw ang kanyang project sa room ni teacher. Mahusay, anak!" aniya sa caption ng FB post.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Ayon sa eksklusibong panayam ng Balita Online kay Marilou, napansin na raw ng anak na may hawigan sila ni Ka Oriang pagdating sa hugis ng mukha.

"Habang naghahanap siya ng mga babaeng bayani, kinonsider n'ya yung facial features n'ya sa gagayahin n'ya para hindi siya mahirapang mag-portray."

"Noong una, naisip nyang gayahin ay si Tandang Sora kaya lang daw mahirap mag-photoshoot kasi patatandain pa sya. Pero nung nakita n'ya si Gregoria De Jesus, napansin nya na hawig sila ng leeg at ng hugis ng mukha."

"At nang nabasa n'ya ang talambuhay ni Oriang, natuwa siya lalo pa nang nalaman nya na naging asawa ito ni Andres Bonifacio. May mga pagkakahawig din daw sila ni Oriang tungkol sa pag-aaral. Kasi matalino at masipag na student din daw si Oriang noon, tulad niya na nagsisikap at palaging may karangalang natatanggap simula pa ng kinder."

"Nabasa din nya na mahusay makipaglaban at gumamit ng mga sandata si Oriang noong panahon ng pananakop. Tulad nya, nagtitraining ang anak ko ng Taekwondo dahil gusto nyang matuto ng self-defense."

"Gusto din nyang mag-aral ng shooting at pagdating ng panahon, gusto nyang maging isang pulis na magtatanggol sa mga kababaihan," aniya pa sa Balita Online.

Bilang kabiyan ni Supremo Andres Bonifacio, naging mahalaga ang papel ni Ka Oriang sa KKK o Katipunan, ang samahang itinatag ng mga rebolusyonaryong Pilipino laban sa pamamahala ng mga mananakop na Espanyol sa Pilipinas.

Si Marilou naman ay nagtapos sa Philippine Normal University (PNU) noong 2005, sa kursong Batsilyer sa Pansekundaryang Edukasyon medyor sa Filipino, na kasalukuyang nagtatrabaho sa University of Makati.