Marami ka bang mga maong pants hindi mo na ginagamit? Kung hindi na kasya sa beywang mo, huwag mo munang itapon o ipamigay, dahil baka mapakinabangan mo pa 'yan!

Gustong "i-mine" ng mga netizen ang ibinidang "maong-sako bag" ng premyadong propesor at manunulat na si Genaro Gojo Cruz na likha ng kaniyang kapatid, na makikita sa kaniyang Facebook posts.

"Salamat sa aking kapatid!," ani Gojo Cruz.

"Pinagputulan ko ng mga pantalon, ginawa niyang bag!"

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

"Akin na lang po mga pinagputulan ninyo pantalon!," dagdag pa niya.

Ayon sa eksklusibong panayam ng Balita Online, dalawang oras umanong tinahi ng kaniyang kapatid na si Rowena Mendol na taga-Calaoan, Ilocos Sur at isang mananahi, ang kaniyang maong-sako bag.

"Mahirap kasi ilahat ang sako sa loob ng telang maong," aniya.

Maong-sako bag ang tawag dito dahil ang panlabas at hawakan ay mula sa mga pinagtabasan ng maong pants, at ang loob naman ay may lining na sako.

"Sayang ang pinagputulan na telang maong kaya ginawang bag," ani Gojo Cruz.

"At para mas maging environmentally friendly pa, nilagyan ng lining na sako na pinaglagyan naman ng bigas ang loob. At para na rin added value sa product na talagang pinaghirapang tahiin. Matagal-tagal na rin itong gagamitin."

Simula nang ipakita niya ang gamit-gamit na maong-sako bag ay marami na raw ang nagpadala sa kaniya ng pribadong mensahe upang makapag-avail nito.

"Mahirap lang sa dami ng nagtatanong kung saan nabibili o pinagawa. Kaya ready lang na sumagot sa maraming tanong. Hahaha!," aniya.

Para sa mga nais magpatahi ng maong-sako bag, makipag-ugnayan lamang sa FB account ni Gojo Cruz.