Hiniling ng grupong Filipino Nurses United (FNU) sa International Labor Organization-High Level Tripartite Mission (ILO-HLTM) na imbestigahan ang mga paglabag umano sa kanilang karapatan sa kanilang pagtatrabaho sa bansa.
Sa pahayag ng grupo, kabilang sa kanilang pinasisilip ang paglabag sa nursing workforce standards sa bansa, lalo na noong kasagsagan ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Inirereklamo rin ng FNU ang malaking bilang ng binabantayang pasyente na mula 20 hanggang 50, pagtatrabaho ng 12 hanggang 16 oras kahit walang overtime pay.
Binanggit din na aabot sa 36,000 ang contractual na nurse sa gobyerno at pinagbabawal din silang maglabas ng hinaing o sumapi sa mga unyon upang hindi sila matanggal sa trabaho.
Sinabi ng FNU, binabayaran lamang sila ng P12,000 kada buwan sa mga pribadong ospital hindi katulad ng mga nagtatrabaho sa pamahalaan na sumasahod ng P35,000 bawat buwan.
“During the height of the pandemic, nurses have faced great risks in nursing functions as they perform with inadequate protection, excessive work hours due to understaffing, and further exploited with no leaves or lack of benefits in spite of getting sick and exposed to COVID-19 in performance of duty. This sad plight has led to massive migration of nurses to other countries which offer better pay and work conditions,” dagdag pa ng grupo.