Inatasan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang Office of the Senior Citizens’ Affairs (OSCA) na i-update ang listahan ng mga senior citizens sa buong lungsod.
Ang kautusan ay ibinigay ni Lacuna kay OSCA chief Elinor Jacinto, kasunod ng mga reklamong maraming pangalan ang wala sa listahan.
Ayon kay Lacuna, kailangang maresolba ang naturang isyu bago ang susunod na pamamahagi ng allowance para sa mga senior citizen, bilang bahagi ng social amelioration program (SAP) ng lokal na pamahalaan.
“Tayo po ay updated na sa senior citizen allowances. All districts naibigay ang allowances for the year 2022. Ano na lang ang utang namin? Dun sa mga nagkaroon ng problema na wala sa listahan. Updating na lang muli ang ating tutugunan,” anang alkalde.
Tiniyak rin naman ng alkalde na ang lahat ng senior citizen na karapat –dapat na tumanggap ng allowance ay makakatanggap nito.
“Sa mga nawala sa listahan, abang-abangan lang ninyo. Rest assured na aayusin naming mabuti nang makuha ninyo ang kaukulang allowances,” dagdag pa ng alkalde.
Samantala, inanunsyo na rin ni Lacuna na ang susunod na pamamahagi ng senior allowances ay isasagawa sa Abril 2023, dahil ang huling pagbibigay nito ay naisagawa noong Disyembre.
Sinabi ni Lacuna na nais ng pamahalaang lokal na matanggap ng bulto ng mga senior ang kanilang allowance at tiniyak na ang allowance nila para sa susunod na tatlong buwan ay matatanggap nila sa unang bahagi ng Abril.
“Expect the next allowance by first week of April 2023 para medyo malaki-laki matanggap ninyo kasi kung buwan-buwan maliit. Samantala, ang ating mga kasamahang kawani are preparing the payroll and updating. Alalahanin n’yo, everyday may nadadagdag at nababawas so after four months, kahit paano, medyo updated na tayo,” aniya pa.