Nanawagan ang dalawang kongresistang miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara na ipatigil ang importasyon ng sibuyas dahil malapit na ang anihan nitosa maraming bahagi ng bansa.
Idinahilan nina Rep. Arlene Brosas (Gabriela Women’s Party), Rep. France Castro (ACT Teachers party-list), at Re. Raoul Manuel (Kabataan party-list), hindi solusyon ang pag-angkat ng sibuyas upang mapababa ang presyo nito sa pamilihan.
Naghain na sila ng House Joint Resolution No. 18 at sinabing "papatayin" ng importasyon ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka ng sibuyas.
"Hindi dapat gamitin ang pagtaas ng presyo ng sibuyas na dahilan para umangkat ng mga ito. Nakita natin kung paano naapektuhan ang mga magsasaka ng palay nang ipasa ang Rice Tariffication Law. Ganito rin ang mangyayari sa kapalaran at kabuhayan ng mga magsasaka ng sibuyas sa importasyon," ani Brosas.
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nagsisilbing kalihim ng Department of Agriculture (DA) nitong nakaraang buwan, ang pag-angkat ng may 21,060 metriko tonelada ng sibuyas.
Bunsod ito ng pagtaas ng presyo nito--mula₱600 hanggang₱700 kada kilo kahit nagtakda na ang gobyerno ng halagang₱250 bawat kilo.
Giit ni Brosas, magdudulot lang ng pinsala sa lokal na produksyon ng sibuyas ang pag-aangkat ng produkto.
Nauna nang inihayag ni Romel Calingasan, municipal agriculturist sa San Jose, Occidental Mindoro, sa mga senador noong nakaraang linggo na dapat ay inisyu ang utos sa importasyon noon pang Agosto.
"Ang isyu ng supply at demand sa sibuyas ay dapat na sinuri upang malaman kung kailan dapat maglabas ng importation permit," dagdag pa nito.