Walang plano ang Commission on Elections (Comelec) na palawigin pa o i-extend ang voter registration para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, mananatiling Enero 31, 2023 ang deadline o pagtatapos ng pagpapatala para sa halalan, kaya’t hinikayat ang publiko na samantalahin ang natitirang pitong araw ng rehistruhan.

Ipinaliwanag ni Garcia na wala silang nakikitang rason upang palawigin ang voter registration dahil inimpormahan naman aniya ang publiko sa inisyatiba.

Naglunsad rin aniya sila ng Register Anywhere Project (RAP), na nagpapahintulot sa mga kuwalipikadong botante na magrehistro sa mga booth sa ilang establisimyento, gaya ng malls, kahit saang lugar pa sila naninirahan.

National

‘Naka-red alert!’ PSC, dinoble seguridad ni PBBM matapos ‘assassination threat’ ni VP Sara

“‘Yung mga kababayan po natin, don’t expect any extension. The deadline will be January 31. Come out and register,” ayon pa kay Garcia, sa panayam sa telebisyon nitong Lunes. “It’s really not a good idea to always extend and extend if there is a deadline. ‘Yung Filipino mentality natin na bukas na lang, that’s not good as far as registration is concerned. So, we will stick to the January 31…and there should be no more excuses for our people not to register.”

Gayunman, maaari aniya nilang ikonsiderang magpatupad ng ekstensiyon ng rehistruhan sa ilang lugar, kung saan ang voter registration ay naantala dahil sa mga pagbaha kamakailan.

Iniulat rin naman ni Garcia na halos 1.1 milyon na ang natanggap nilang aplikasyon sa isinasagawang voter registration.

Matatandaang target ng Comelec na makapagtala ng mula 1.5 milyon hanggang 2 milyon bagong botante bago ang deadline ng voter registration sa katapusan ng buwang ito.