Gamit lamang ang pintura, o kaya naman ay yeso, nakagagawa ang artist na si James Ison, 26 mula sa Alaminos City, Pangasinan, ng mga obra ng mga hayop na tila buhay na buhay.

Sa panayam ng Balita Online, ibinahagi ni Ison na una siyang nakaranas gumawa ng artwork gamit ang 3D illusion taong 2020 nang pinagawa sila ng isang mural sa kanilang parke.

Nang ma-enjoy niya ito, napagdesisyunan na niyang pagyabungin ang kaniyang kakayahan. Nang dumating ang buwan ng Abril taong 2021, nagsimula na raw siyang makagawa ng 3D illusions hindi lamang sa mga pader kundi maging sa mga sahig.

Human-Interest

ALAMIN: Mga pangalan ng bagyo ngayong 2025

Larawan mula kay James Ison

Ayon pa kay Ison, nasa dalawa hanggang tatlong oras ang nagugugol niya sa paggawa ng isang simpleng obra. Kung minsan nama’y inaabot siya ng isang araw lalo na kung malaki at mabusisi ang mga detalye ng ginagawa niyang artwork.

Paborito raw ni Ison na gumawa ng malalaking artwork tampok ang maliliit na hayop na kadalasang hindi napapansin ng mga tao, tulad na lamang palaka.

“Kasi dito, ‘yung kahit mga maliliit po silang creature pwede mo po silang gawan ng art [na] magkakaroon ng impact sa tao,” aniya.

Dahil sa talento ni Ison, marami na ang humanga at may mga nagpapagawa na rin daw ng murals sa kaniya. Ang paghanga naman daw ng mga nakakikita sa mga obra nito ang lalong nagpapapursigi sa kaniyang pagbutihin pa.

“Nakaka-inspire po na linangin pa lalo ‘yung talent na bigay sa atin ng Diyos,” saad ni Ison.