Usap-usapan ang dalawang vloggers na ikinulong ng mga awtoridad matapos magpanggap na nalason sa di-sinasadyang nainom na gasolina, na isang prank lamang pala para sa kanilang vlog content.

Hindi pinalagpas ng mga tauhan ng mga Mawab Police Station ang ginawa ng vlogger na si Jonel Cordero at ang kasama nitong nagbi-video na si Arnold Rabi ng "Cordero Brothers" sa Green Planet gasoline station sa Davao de Oro noong Enero 18, 2022 matapos silang maghatid ng takot sa maraming tao, at naka-istorbo pa sa oras ng trabaho.

Sa isinagawang prank, kunwari ay aksidenteng nainom ni Jonel ang biniling tinging gasolina, na ipinalagay nito sa isang bote ng softdrinks.

Agad na nakipag-ugnayan ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) para mabigyan ng pangunang lunas si Jonel. Nang suriin na siya, dito na ibinunyag ni Jonel na prank lamang ang lahat. Hindi naman ito ikinatuwa ng mga nagsidating na awtoridad kaya diretso piitan ang dalawa.

Balak umanong sampahan ng kasong alarms and scandals batay sa Article 155 ng Revised Penal Code ang dalawa, dahil nakadistorbo sila sa "public peace".

Sa ulat naman ng "One Balita Pilipinas" ay pinalaya na umano ang dalawa. Sising-sisi naman daw ang vloggers sa kanilang ginawa. Dahil dito ay baka tigil daw muna sila sa pagba-vlog.

Pinag-aaralan pa umano ng mga awtoridad kung ipagpapatuloy pa ang pagsasampa ng kaso laban sa kanila. Nagpaalala naman sila sa publiko na huwag sanang gawing biro ang mga aksidente o insidente.