Isang taga-Batangas ang mapalad na nakapag-uwi ng higit P29.7 milyong jackpot prize ng GrandLotto 6/55 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Sabado ng gabi.

Sa abiso ng PCSO, nabatid na solong natamaan ng nasabing mananaya ang six-winning combination ng GrandLotto 6/55 na 03-44-10-13-23-11, na may katumbas na premyong P29,700,000.

Nabili umano ng mapalad na mananaya ang kanyang lucky ticket sa Ibaan, Batangas.

Pinayuhan naman ng PCSO ang lucky winner na upang makubra ang kanyang premyo ay magtungo lamang sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City at magprisinta ng dalawang balidong ID at ang kanyang winning ticket.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ito na ang ikatlong araw na magkakasunod na natamaan ang mga premyo sa iba't ibang Lotto games ng PCSO.

Matatandaang noong Biyernes, napanalunan din ng isang mananaya ang P49.5 milyong jackpot sa Ultra Lotto 6/58 matapos matamaan ang winning combination na 24-39-31-19-42-13.

Solo ring napanalunan ang jackpot prize na P79.1 milyon sa Super Lotto 6/49 noong Huwebes, matapos nitong mahulaan ang winning number combination na 17-19 -31-13-47-34.

Kaugnay nito, muli namang hinikayat ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga palaro, partikular na ang lotto, upang magkaroon ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo, ay makatulong pa sa kawanggawa.

Ang GrandLotto 6/55 ay binubola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado habang ang UltraLotto 6/58 ay binubola tuwing Martes, Biyernes at Linggo.

Ang SuperLotto 6/49 naman ay binubola tuwing Martes, Huwebes at Linggo, habang ang MegaLotto 6/45 ay may draw tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes at tuwing Martes, Huwebes at Linggo naman ang bola ng Lotto 6/42.