Very true nga raw na talagang iginapang na mairaos ang umano’y sold-out concert ni Toni Gonzaga sa Araneta Coliseum kamakailan.
Ito nga ang inispluk ni Ogie Diaz kasama sina Mama Loi, at Mrena sa kanilang latest YouTube upload para sa kanilang showbiz update, Linggo.
Sey nila, nagkaroon nga umano ng pagmumudmod ng tickets sa MRT, at sa Cubao sa araw ng concert. Namataan din anila mismo ang pamimigay ng ticket sa labas ng concert venue.
“Totoo namang namimigay sa labas. Totoo rin na namigay ng mga tickets sa mga kakilala. Kahit ‘yung mga senador daw [napagbentahan] ng tickets,” ani Ogie Diaz.
Aniya gayunpaman, “Wala namang problema dun kasi kung bibilhin naman at papalitan ng pera ‘yun, eh sales pa rin siya ‘di ba. Kumita pa rin.”
Samantala, sukatan pa rin sa tagumpay ng concert ang dagsa talaga ng mga tao sa venue kahit na sold-out ang tickets, sey ng talent manager.
“S’yempre ‘yung tanong lang d’yan ‘yung attendance kumusta. Kasi sabihin na nating sold-out, nabili lahat ng tickets. Ang laging pinagbabatayan d’yan ay attendance. Yung physical presence nung mga bumili,” sey ni Ogie.
Tila may paalala naman ang showbiz insider sa mga may nasasabi nga sa naging sistema ng pagpapamudmod ng tickets.
“Kahit pa sabihin mong pinamigay ‘yung tickets sa concerts ni Toni. Ipinilit na manuod sila ng concert ni Toni. Kahit ano pa ang sabihin nila kung ang attendance, napakarami, napakataas, kumita pa rin ‘yun,” sey ni Ogie.
Dagdag niya pa, “Pinanindigan ko naman na talagang merong pinamimigay na tickets.”
“Nasaksihan po kasi namin ‘yan. Kumbaga sa hukuman, hindi ‘to chismis. Right before our eyes,” paggatong ni Mama Loi.
“Wala namang problema Loi kung pinamimigay. Ang importante, hindi sinasayang ang ticket. Nanunuod talaga,” depensa ni Ogie.
Matapos mairaos ang anniversary concert, abangan na lang umano ngayon ang susunod na pasabog ng TV personality.