Inanunsyo ng streaming platform na Netflix nitong Biyernes, Enero 20, na sisimulan na nila sa ilang mga bansa na gawing paid subscribers ang mga nanghihiram ng Netflix account sa pagtatapos ng first quarter o buwan ng Marso ngayong taon.

Sa ulat ng Khaleej Times, sinabi ng Netflix executives na kung hindi magkasama sa isang bahay ang dalawang gumagamit ng iisang Netflix account, kinakailangang bumili ng password sharing option ang isa o gumawa ng ibang account.

Sa ulat naman ng CNET, hindi pa umano inanunsyo ng Netflix ang presyo ng password sharing option ngunit sinusubukan na nila ito sa mga bansa ng Chile, Costa Rica at Peru, kung saan nasa 25% ng standard plan ang kanilang singil.

Sinabi naman ng Netflix co-CEO na si Greg Peters na hindi agad sabay-sabay na ipatutupad ang nasabing pagbabago sa buong mundo. Pipili muna sila sa pagtatapos ng Marso ng mga bansa kung saan magsisimula silang maningil ng password sharing fees.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

"We're ready to roll those out later this quarter. We'll stagger that a bit as we work through sets of countries. But we'll really see that happen over the next couple of quarters,” ani Peters.

Hindi pa inanunsyo ng Netflix kung saang mga bansa nila ito uunahing ipatupad sa pagtatapos ng Marso.

Sa bagong sistema ng nasabing streaming platform, kailangan i-verify ang devices sa pamamagitan ng 4-digit verification code kapag na-detect na nasa magkaibang bahay ang dalawang gumagamit sa iisang account.

Upang ma-verify ito, magpapadala ang Netflix ng link sa email address o phone number na konektado sa account ng primary owner at doon magbubukas ang page para sa verification code. Kinakailangang ma-enter ang code sa loob ng 15 minuto. Maaari namang mag-request ng new code kapag ito ay nag-expire na.

Samantala, hindi na kailangang mag-verify gamit ang code kung naka-connect ang devices ng dalawang user sa iisang internet connection.

Inamin naman ni Peters na inaasahan na nilang may mga magkakansela ng kanilang subscriptions dahil sa pagbabagong ito. Ngunit inaaasahan din daw nilang tulad sa nangyari noong nagtaas sila sa subscription fees, magsu-subscribe muli kalaunan ang mga magkakansela dahil sa isang palabas na nais nilang mapanood sa Netflix.