Bumaba pa sa 2.8% na lamang ang COVID-19 positivity rate ng bansa, base na rin sa ulat ng independent OCTA Research Group.

Sa datos na ibinahagi ni OCTA Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account nitong Sabado ng gabi, nabatid na hanggang nitong Enero 21, 2023, Sabado, nasa 2.8% na lamang ang naitalang nationwide positivity rate ng Department of Health (DOH).

Bahagya itong mas mababa sa 2.9% na COVID-19 positivity rate na naitala sa bansa noong Enero 20, 2023.

Ang positivity rate ay ang porsiyento ng mga tao na nagpopositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng mga taong isinailalim sa pagsusuri.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kaugnay nito, iniulat rin ni David na nito ring Enero 21, 2023 ay nakapagtala pa ang DOH ng 225 mga bagong kaso ng sakit, sanhi upang umakyat na sa 4,071,540 ang total COVID-19 cases ng bansa.

Sa naturang bilang, 10,555 na lamang naman ang nananatili pa ring aktibong kaso.

Mayroon rin aniyang naitalang anim na pasyente na binawian ng buhay dahil sa naturang karamdaman, sanhi upang umakyat na sa 65,680 ang total COVID-19 deaths ng bansa.

Mayroon rin namang 375 pasyente ang iniulat na nakarekober na mula sa karamdaman. Sa ngayon ang total COVID-19 recoveries ng bansa ay naitala sa 3,995,305.

Sa pagtaya ni David, maaaring makapagtala pa ang bansa ng mula 150 hanggang 250 bagong kaso ng sakit ngayong Linggo, Enero 22, 2023.

“Jan 21 2023 DOH reported 225 new cases 6 deaths (2 in NCR) 375 recoveries 10555 active cases. 2.8% nationwide positivity rate. 90 cases in NCR. Projecting 150-250 new cases on 1.22.23,” tweet pa ni David.