Kinumpirma ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Linggo, Enero 22, na umakyat na sa 35 ang mga nasawi sa bansa dahil sa walang tigil na pag-ulan mula pa noong Enero 2.
Ayon sa pinakabagong tala ng NDRRMC, 19 sa mga nasawi ay napatunayan na, kung saan siyam dito ang nagmula sa Zamboanga Peninsula, pito ang galing sa Eastern Visayas, dalawa sa Northern Mindanao, at isa naman sa Davao Region.
Bukod dito, pito ang naitalang nawawala habang 12 ang sugatan.
Samantala, tinatayang ₱777,577,912.63 na ang halaga ng nasalanta sa sektor ng agrikultura habang ₱276,797,224.68 naman ang nawalang halaga sa imprastraktura.
Sa kasalukuyan, umabot na rin sa 475,680 pamilya o 1,939,860 indibidwal ang naapektuhan at nasa 330 lugar naman sa bansa ang baha pa rin dahil sa pagsama ng panahon.
Sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kaninang umaga, isang low pressure area na may layong 545 kilometro sa silangan timog-silangan ng Davao City ang nagbabadya na namang maging tropical depression na siyang magpapaulan sa Caraga, Davao Region at Northern Mindanao.