Nanawagan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) nitong Sabado, Enero 21, na tuluyan nang isabatas ang House Bill 1112 na magdedeklara sa Enero 22 ng bawat taon bilang “Pambansang Araw ng mga Magsasaka” o “National Farmers’ Day”.
Inihain ng Makabayan Bloc sa Kongreso na gawing special working holiday ang Enero 22 upang magsilbing pag-alaala sa mga naging biktima ng Mendiola Massacre sa paanan ng Mendiola o Chino Roces Bridge sa Maynila noong 1987.
Ayon sa KMP, hanggang ngayo’y wala pa ring katarungang nakukuha ang 13 mga magsasakang nasawi at daan-daang nasugatan dahil sa nangyaring masaker 36 na taon na ang nakalilipas.
“Mahigit tatlong dekada pagkatapos dumanak ang dugo sa tarangkahan ng Malacañang, nananatili ang panawagan ng magbubukid para sa lupa at makatarungang kapayapaan,” anang KMP.
“Alalahanin natin ang mga martir ng Mendiola Massacre na sina Danilo Arjona, Leopoldo Alonzo, Adelfa Aribe, Dionisio Bautista, Roberto Caylao, Vicente Campomanes, Ronilo Dumanico, Dante Evangelio, Angelito Gutierrez, Rodrigo Grampan, Bernabe Laquindanum, Sonny Boy Perez, at Roberto Yumul,” dagdag nito.
Bukod sa pagpapasa ng nasabing panukalang batas, nananawagan din ang KMP at iba pang progresibong grupo para sa tunay na reporma sa lupa sa pamamagitan ng pagpapasa ng “Genuine Agrarian Reform Bill” na may layong bigyan ng sariling lupa ang mga magsasaka sa bansa.