Dahil sa naiulat na karahasan sa ilang poll officers sa nakalipas na halalan, umapela si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia sa Philippine National Police na madaliin na ang pagresolba sa mga naturang kaso.
Kasunod ito ng mga napaulat na insidente ng karahasan at pananakot sa mga poll officer tuwing panahon ng halalan.
Ilan sa mga naging biktima ay si election officer Aknam Hasim, na kamakailan lang ay binisita ni Garcia nitong Sabado, Enero 21.
Napag-alaman na si Hasim ay biktima ng pamamaril noong Oktubre 2021 habang patungo sa Office of Provincial Election Supervisor na naging sanhi ng kaniyang pagkabulag.
Naging biktima rin ng karahasan si election officer Ruayna Sayyadi sa Isabela City, Basilan kung saan siya ay nasawi sa kahalintulad na pangyayari na insidente noong Hulyo 2022.
Giit ng Comelec Chairman, na hindi na dapat pang maulit ang ganitong klase ng mga insidente laban sa mga poll workers.
Kaya tiniyak niya na makarating sa pamunuan ng PNP para mabigyan ng hustisya ang pamilya at ibang mga biktima ng nasabing karahasan.
Habang nagbabala ang Comelec na hindi uurungan ang sinumang nagbabalak ng masama laban sa kanila.