Hangad na matikman ng Meralco Bolts ang unang panalo kontra Rain or Shine (ROS) sa pagsisimula ng PBA Governors' Cup sa PhilSports Arena sa Pasig City ngayong Linggo, dakong 4:30 ng hapon.

Ipaparada muli ng Bolts ang dating 32nd overall pick ng Philadelphia 76ers sa NBA noong 2014 na si KJ McDaniels.

Ito na ang ikalawang pagkakataong maglaro sa Meralco ng 6'6" na American player kung saan unang nasilayan ang tikas nito nang palitan niya ang import na si Johnny O'Bryant sa kalagitnaan ng 2022-2023 PBA Commissioner's Cup.

Sa isang television interview, tiniyak naman ni Meralco head coach Norman Black na lalo pang lalakas ang koponan dahil sa pagbabalik-aksyon ng 6'2" small forward na si Chris Newsome na nagkaroon ng right calf injury sa kanilang ensayo noong Nobyembre 1, 2022.

National

Occidental Mindoro, niyanig ng 4.0-magnitude na lindol

Umaasa si Newsome na makabalik sa porma ang koponan sa tulong na rin ni McDaniels.

Ibabandera naman ng Rain or Shine ang import na si Michael Qualls.

Una nang naglaro si Qualls sa NorthPort sa 2019 Governors' Cup kung saan dinala nito ang koponan sa semifinals.

Nitong Lunes, Enero 16, nagpasiklab si Qualls sa tuneup game laban sa Meralco matapos humakot ng 53 points.

Kabilang si Qualls sa undrafted sa NBA noong 2015 kaya napilitang maglaro sa Israel at Italy bago sumali sa Salt Lake City Stars at Texas Legends sa G-League.

Sa second game, magsasalpukan naman ang Converge FiberXers at NorthPort dakong 6:45 ng gabi.