Marami ang naantig sa post ng netizen na si Reynante Cacananta mula sa San Jose del Monte, Bulacan tampok ang kaniyang aso kasama ang batang nagpamigay nito sa kaniya.
Sa panayam ng Balita Online, binahagi ni Cacananta na nakadaupang-palad niya ang asong si Choco at ang dating amo nito sa pinagta-trabuhan niya sa Valenzuela City bilang security guard.
“‘Yung kasamahan ko, nag-radio sa akin na may aso raw na gustong iligaw, baka raw gusto ko. Sabi ko sandali punta ako diyan kasi sa dulo ako naka-duty noon,” kuwento niya. “Ako na lang kako mag-ampon kaysa iligaw, kawawa naman.”
Sa pagbalik ay nadatnan daw niya ang batang umiiyak at pinakiusapan siyang ampunin ang aso at huwag sanang ilayo sa kaniya. Hindi na raw kasi niya ito maalagaan kaya napipilitan siyang iligaw o ipamigay ito sa iba.
“Sabi ko [sa kaniya], ‘huwag kang mag-alala dito lang ‘yan. Hindi ko pababayaan aso mo. Dalaw-dalawin mo lang siya rito’,” ani Cacananta.
Mahigit isang buwan daw ang lumipas bago nakadalaw muli ang bata sa aso nito, at doon ay nagulat si Cacananta dahil kilalang kilala pa rin ni Choco ang bata. Tila walang nagbagong winagay-way pa rin nito ang kaniyang mga buntot at dali-daling tumakbo papunta sa dati niyang amo.
“Masaya si Choco dahil nakita niya ang dati niyang amo,” saad ni Cacananta.
Maraming netizens naman ang naantig sa naturang post. Komento nila:
“Nakakatuwa at magkakilala pa rin sila. Sana lahat ng bata ganyan kabait sa mga alaga.”
“Salamat po, Kuya, sa pag-alaga kay doggie kahit sa ganitong eksena nakakatuwa na dinalaw siya ng amo niya.”
“Masaya si doggie kasi love na love niya ang amo niya. Mabuti at napunta siya sa pet lover.”
“Mabait na bata ‘yan. Salamat po sa pagtanggap kay Choco.”
“True meaning of loyalty. ”