Masasabing naging matagumpay ang "I Am Toni" concert ni Ultimate Multimedia Star Toni Gonzaga-Soriano na ginanap kahapon ng Biyernes ng gabi, Enero 20, sa Smart Araneta Coliseum.
Ang concert na ito ay pagdiriwang ni Toni para sa 20th anniversary sa industriya.
Kinanta ni Toni ang kaniyang mga naging hit songs gaya ng "We Belong", "Catch Me I'm Falling", gayundin ang mga kantang ginamit sa campaign sortie ng UniTeam noong halalan, gaya ng "Roar" at "Titanium".
Speaking of pagkanta, usap-usapan ngayon ang "heartfelt" na pag-awit ni Toni ng "Catch Me I'm Falling" na ibinahagi sa social media accounts ng Smart Araneta Coliseum.
Mababasa sa comment section ang iba't ibang reaksiyon ng mga netizen hinggil sa umano'y tila ilang bahaging sintunado siya, at hirap sa ilang bahagi ng sariling kanta.
"Kanta niya 'to di ba?" saad pa ng aktor na si Johnrey Rivas mula sa pelikulang "Katips".
Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento:
"Is she singing or shouting?"
"Dinaan sa mga pakumpas ng mga kamay eh. I love you Toni as a host, pero yung sarili kanta mo, hindi mo kaya abutin mga high notes. Mejo sablay talaga."
"She's about to cry… ganyan kasi minsan lalo na if nasa pick ka na ng emotion mo when singing, naiiba yung voice… maybe she is just grateful to everyone who supported her for 20 yrs. Still you pulled it Toni G. God bless you richly."
"You're a good talk show host Toni. Stay there and leave the singing to the true singers."
"Okay naman ah? Siguro napagod na rin siya kaka-practice pero she still nailed it."
"As a host I admire you. As a singer please wag na ipilit."
Bukod dito, makikita rin sa FB page ng Araneta ang pag-awit niya ng "We Belong" at 'Humanap ka ng Panget" ni Andrew E.