Arestado ng Southern Police District (SPD) Drug Enforcement Unit (DEU) at Parañaque Police Station sa buy-bust operation ang isang babae at ang kasama nito na nagresulta sa pagkakakumpiska ng mahigit P3 milyong halaga ng shabu sa Parañaque City noong Biyernes, Ene. 20.
Kinilala ni SPD director Brig. Gen. Kirby John Kraft ang mga suspek na sina Fahima Matula, 34, alyas Tita, at Jhonix Casanova, 23.
Sinabi ni Kraft na naaresto ang mga suspek dakong alas-9:00 ng gabi sa kanto ng Quirino Ave. at De Julio St. sa Barangay Baclaran, Parañaque City.
Aniya, nakipag-ugnayan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa SPD-DEU at Parañaque police para sa pag-aresto sa mga suspek sa kanilang illegal drug trade.
Sinabi ng hepe ng SPD na nakumpiska ng mga pulis mula sa mga suspek ang walong heat-sealed transparent sachet at dalawang knot-tied plastic sachet na naglalaman ng shabu na humigit-kumulang 530 gramo na nagkakahalaga ng P3,604,000.
Sinabi ni Kraft na nakakulong ngayon ang mga suspek sa police custodial facility at sinampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Jean Fernando