Kung naging matagumpay ang "I Am Toni" concert ni Ultimate Multimedia Star Toni Gonzaga sa Smart Araneta Coliseum, naging matagumpay rin ang naganap na “I Am… Otin” online parody concert ng “Ultimate Multidogshow Superstar” na si AC Soriano, Biyernes ng gabi, Enero 20, kasabay ng mismong concert ng kaniyang "idolo".
Pasabog ang mga parody ni Otin G. sa mga tumatak na performances ni Toni gaya ng “Levitating” na siyang pinerform ni Toni sa launch ng ALL TV, “Titanium” at “Roar” mula naman sa campaign sorties noon ng ngayo'y Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Game na game ding naki-saya ang iba pang social media stars tulad ni Sassa Gurl, na siyang nag-perform ng “Super Bass,” “Lagot,” at sariling bersiyon nito ng “Sulutera.”
Nakakaaliw na showdown naman ang naganap sa pagitan nila Toniyuh at Otin G. nang awitin nila ang hit songs ni Toni Gonzaga. Si Toniyuh ay isa rin sa mga gumagaya sa Ultimate Multimedia Star at kinatuwa naman ng marami ang umano’y “Toni Gonzaga Multiverse” sa nasabing online concert.
Isa naman sa pinag-usapan ng netizens ang eksena nila Junjun Salarzon at Niño San Jose kung saan nag-ala Alex Gonzaga at Allan Crisostomo ang dalawa at ginaya ang viral na pagpahid ni Alex ng icing ng cake sa nakalipas na kaarawan nito.
Number 1 trending sa buong bansa ang hashtag na “#IAmOtin” at umabot sa higit 71 thousand views at 6 million likes ang online parody concert na umere sa TikTok.
Sa isang tweet, sinabi ni AC na dodoblehin niya ang mga nalikom na halaga mula sa mga nagpadala ng TikTok gifts na siyang ibabahagi nito sa Golden Gays.