Isang cute na pusa na mistulang security guard ang nagbibigay ng extrang good vibes sa mga empleyado at customers ng Worldwide Corporate Center (WCC) sa Mandaluyong City tuwing umaga.

Larawan mula sa Worldwide Corporate Center via Nhe Bernal Tres Reyes

Sa eksklusibong panayam ng Balita Online, ibinahagi ni Lala Buenaflor, Mall Head ng WCC, na tinuturing nilang “security cat” ang pusang pinangalanan nilang “Mingming”.

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

Araw-araw daw itong nagbabantay at pumupunta sa entrance table ng gusali na parang gustong mag-check ng bags ng mga pumapasok na empleyado at customers. Dahil dito, binihisan na rin siya ng damit pang-sekyu noong Setyembre 2022.

“Mabait siya sa customers and employees na gusto siyang hawakan at magpa-picture. Lagi siyang hinahanap ng employees. Mahilig din siyang makipaglaro sa customers,” ani Buenaflor.

Bago maging security cat, si Mingming daw ay dating stray cat na pagala-gala lamang sa parking area ng gusali malapit sa food court.

“Payat at mailap siya. Papakita lang siya ‘pag maghahanap ng pagkain, nag-aabang. ‘Pag nahagisan ng pagkain, saka tatakbo na siya palayo at magtatago," kuwento ni Buenaflor.

Dahil daw pinapakain si Mingming ng mga nakakakita sa kaniyang mga ahente at empleyado ng WCC, napaamo at nanatili na siya sa food court hanggang sa inampon na siya ng WCC building taong 2021.

Samantala, may mga nagbabalak daw na umampon kay Mingming mula sa WCC. Ngunit nang ipaampon daw siya sa isang pamilya, hindi raw ito kumain ng tatlong araw. Naging masigla at kumain lamang ito muli nang ibalik nila sa WCC.

“Feeling ni Mingming bahay na niya ‘yung WCC building,” saad ni Buenaflor. “Naging kaibigan na [niya] ang admin, security, housekeeping at mga employee sa WCC building.”