Sa kauna-unahang pagkakataon, kinuhang celebrity endorser ng isang brand ng inumin ang aktor na si Baron Geisler, na nasa industriya ng showbiz sa loob ng 29 taon.
Mababasa sa Facebook post ni Baron ang kaniyang kasiyahan at marubdob na pasasalamat sa mga taong nagtiwala sa kaniya.
"God is indeed faithful to His promises, thank you Abba Father! Grateful to my #Lemonyo family by Big Brew for trusting me as their brand ambassador, not just to simply promote the products but to carry an important message," ani Baron.
"Thank you to all our press partners for attending and supporting this launch. I'm excited for everyone to see our ads and to taste this awesome drink."
Isinagawa ang media conference kay Baron noong Huwebes, Enero 19, sa Pandan Restaurant sa Tomas Morato, Quezon City. Para kay Baron, "dream come true" ang pagiging isang celebrity endorser na ito, kaya hinding-hindi niya aniya sasayangin kung anuman ang kinita niya rito.
Kuwento pa ng aktor, noong Nobyembre 2022 inoffer sa kaniya ang pagiging brand ambassador ng Lemonyo.
"Pinuntahan nila ako sa amin akala ko magpapatikim lang sila. Biglang naging Lemonyo party. Ang daming flavors at ang daming tao. Tinikman ko naman lahat. Sabi ko noon ang tamis. Paano yung nagda-diet? So happy ako na may fruit flavors na nag-complement ‘yung tamis at pagiging sour ng drink. At may real fruits pa. It’s not processed food na. I really enjoyed it,” pagbabahagi ni Baron.
“I have been wanting to build my own home for my family. Ito ilalaan ko po talaga na makapagpatayo ako ng kahit na maliit na bahay. Maraming salamat sa Lemonyo. Ilalagay ko lang talaga ‘yung Lemonyo fund specifically para sa itatayo naming bahay ni Jamie para sa aming pamilya,” saad pa ni Baron. Si Jamie na kaniyang binanggit ay ang misis na si Dr. Jamie Marie Evangelista-Geisler.
Hindi lamang ito ang first time ni Baron. Matatandaang pinuri din ng mga netizen ang unang pinagbidahang pelikulang "Doll House" na napanood sa Netflix.
Congrats, Baron!