Nilabas ng employment platform na JobStreet nitong Sabado, Enero 21, ang sampung trabahong pinaka in-demand sa Pilipinas ngayong taon.

Sa internal database ng JobStreet mula September 2022, nanguna sa may pinakamaraming job openings ang customer service representative. Pagtuturo naman ang pumangalawa sa listahan.

Bukod dito, nasa top 3 to 5 ang mga trabahong administrative officer, call center operator at nurse.

Pasok din sa sampung in-demand na trabaho ang software engineer, team leader, business analyst, sales associate, at engineer.

Samantala, nanguna naman ang industriya ng call center, information technology-enabled services, and business processing outsourcing sa paghahanap ng mga aplikante sa bansa. Sinundan ito ng human resources management and consulting, at ng industriya ng pagtuturo.

Nasa listahan din ng sampung nangunguna sa paghahanap ng aplikante ang industriya ng retail and merchandise; government and defense; computer and information technology (software); manufacturing and production; electrical and electronics; banking and financial services; at ang industriya ng construction, building, and engineering.

Ayon sa JobStreet, bumalik na sa pre-pandemic level ang job market sa bansa dahil parami na nang parami ang mga kompanyang unti-unting nagbubukas ng oportunidad sa mga naghahanap ng trabaho.