Itinanghal bilang “YouTube’s Most Streamed Act” sa buong mundo para sa taong 2022 ang Indian playback singer na si Alka Yagnik, matapos makatanggap ng 15.3 bilyong YouTube streams o 42 milyong streams sa bawat araw.

Sa kanilang Facebook post, kinumpirma ng Guinness World Records (GWR) na naging pinakapopular na artist si Yagnik, 56, sa YouTube sa nakalipas na tatlong taon matapos itong umani ng 17 billion streams noong 2021 at 16.6 billion naman sa taong 2020.

“Often referred to as the ‘queen of playback singing,’ Yagnik is one of Bollywood’s most iconic voices,” anang GWR.

Ayon sa ulat ng ChartMasters, nasa 80% o 12.3 billion streams na nakuha ni Yagnik noong nakaraang taon ay galing sa India. Siya rin umano ang pinakatinatangkilik na mang-aawit sa Pakistan (683 million streams).

Human-Interest

Pambato ng Pilipinas sa research competition sa Taiwan, waging first place

Nakapag-record na ang nasabing mang-aawit ng mahigit 20,000 songs para sa films at albums sa nakalipas na apat na dekada ng kaniyang karera.

Ilan sa mga tumatak na awitin ng nasabing singer ay ang “Mere Angne Mein” mula sa movie na Laawaris (1981), at ang “Agar Tum Saath Ho” mula sa Tamasha (2015).

Pitong beses na ring nagwagi si Yagnik ng Best Female Playback Singer sa Filmfare Awards.

Samantala, pumangalawa naman sa 2022 global rankings ng YouTube si Bad Bunny ng Puerto Rico na nakatanggap ng 14.7 billion streams.

Nakasama rin sa top five ang male Indian singers na sina Udit Narayan (10.8 billion), Arijit Singh (10.7 billion) at Kumar Sanu (9.09 billion).

Kasama naman sa top 10 ang South Korean superstars BTS (7.95 billion) at BLACKPINK (7.03 billion).

Bukod dito, nasungkit ng The Weeknd (5.7 billion) ang 13th spot, habang nasa 26th spot si Taylor Swift (4.33 billion) at nasa 50th spot ang mang-aawit na si Drake (2.9 billion).

Ayon pa sa ChartMasters, mayorya sa mga nakasungkit ng pwesto bilang YouTube’s 2022 Streaming Figures ay Indian artists.

Ulat din nitong nasa 25% ng mga gumagamit o nagi-stream ng YouTube ay mula sa India. Nasa 45% naman ang nanggaling sa mga bansa sa Asya habang 28% ng Youtube streamers ang nasa Latin America.