Nairaos na nga kagabi ng Sabado, Enero 20, ang inaabangan at kontrobersiyal na 20th anniversary concert ni Ultimate Multimedia Star Toni Gonzaga-Soriano sa Smart Araneta Coliseum kung saan inawit niya ang ilan sa mahahalagang soundtrack ng buhay niya, gayundin ang mga piansikat na awitin gaya ng "Catch Me I'm Falling", "We Belong", at iba pa.
Bukod sa hit songs, kinanta niya rin ang iba't ibang foreign songs na naging "trademark" niya sa panahon ng kampanya gaya ng "Roar" at "Titanium". Hindi rin siya nangiming banggitin ng TV host-actress-singer ang "Sabay-sabay!" na sumikat na pang-asar sa kaniya, dahil hindi niya raw naabot ang nota sa nabanggit na huling awiting nabanggit.
Siyempre, hindi rin mawawala sa kaniyang concert ang kapatid na si Alex Gonzaga, na ilang araw nang trending dahil sa isyu ng pamamahid ng icing ng cake sa noo ng isang server, sa birthday party para sa kaniya.
Isang Twitter user na nagngangalang "Fiffany Fink" ang nagbahagi ng video clip kung saan pinagkatuwaan ng magkapatid ang isyu. Ani Alex, iniiwasan na raw niya ngayon ang mga cake at mukhang ban muna ito kapag may birthday.
Maririnig naman ang hiyawan, halakhakan, at palakpakan ng audience.
Isa pa sa mga sorpresa ay ang pag-guest ni Pinoy rapper Andrew E na nagbigay ng hype sa mga manonood, sa pamamagitan ng pagbanat ng iconic songs na "Humanap Ka ng Panget" at "Banyo Queen".
At ang isa sa highlights---ang video message para sa kaniya ng ninong sa kasal na si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., na kasalukuyang nasa World Economic Forum (WEF) sa Switzerland.
Marubdob ang naging pasasalamat ni PBBM sa naging ambag ni Toni sa kaniyang kandidatura, lalo't katakot-takot na batikos ang natanggap nito mula sa mga netizen na panig sa ibang kandidato.
"You are one of the strongest, most God-fearing women I know... hindi ka nagpapatinag sa kabila ng mga batikos. Ang suporta mo ang isa sa mga naging matibay na sandigan ko sa aking paglakbay sa pagkapangulo," anang PBBM.
Makikita rin sa iba't ibang posts ng netizens na punumpuno ng tao ang loob ng Araneta, malayo sa sinasabing lalangawin ito.
Sa kabilang banda, marami pa ring nasabi ang mga netizen sa naturang concert.
Una raw, since ito ay 20th anniversary, inaasahan sana nilang maraming bigating artista ang nakasama ng Ultimate Multimedia Star, kagaya ng kaniyang leading men na sina Piolo Pascual, Sam Milby, Luis Manzano, Vhong Navarro, John Lloyd Cruz, at iba pa.
O kaya naman, kahit ang mga naging co-hosts niya sa iniwanang "Pinoy Big Brother" gaya nina Bianca Gonzales, Melai Cantiveros, Kim Chiu, Enchong Dee, Robi Domingo, o maging si Mariel Rodriguez-Padilla.
Puwede rin daw sanang maging guest-performer si Unkabogable Phenomenal Star Vice Ganda dahil magkaibigan naman sila at nagkasama na rin sa pelikula.
Nanghihinayang ang mga netizen na kung nasa poder pa raw sana siya ng ABS-CBN, malamang ay mas marami pang bigating guest-performers ang nakasama niya.
Sabi ng mga netizen, nagmukha tuloy itong campaign sortie ng UniTeam dahil si Andrew E lang daw ang naging special guest, eh nagkasama lamang daw sila sa kampanya.
Isa pa sa mga napansin ng netizens ay ang tila "hirap" na pagkanta ni Toni sa mismong hit songs niya, gaya ng "Catch Me I'm Falling" na prinodyus ng ABS-CBN Star Music noon.
May mga tsika ring naglalabasan na namigay na raw ng tiket sa mga tao bago at habang nagaganap ang concert upang mapuno ang venue.
Anyway, masasabing naging matagumpay ang concert para sa ika-20 anibersaryo sa showbiz ni Ultimate Multimedia Star at sinasabing "Most Powerful Celebrity" na si Toni Gonzaga-Soriano. Abangan na lamang ang susunod na mga kabanata para sa kaniyang career.