Ipinag-utos ni Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro ang pagpapalawig pa ng business permit renewal sa lungsod hanggang sa Marso 31, 2023.
Nabatid na nilagdaan ni Teodoro ang Ordinance No. 001, Series of 2023 o ang Ordinance Extending the Period for the Renewal of Business Permits Without Surcharges and Penalties,upang patagalin pa ang deadline ng business permit renewal.
Bilang tulong na rin aniya ito sa mga maliliit na entrepreneurs at namumuhunan sa lungsod.
“Ang extension na ito ay para hindi magmulta ang mga negosyanteng magpoproseso pa lamang ng kanilang renewal, para magkaroon sila ng mas mahabang panahon at hindi mamultahan hanggang Marso,” ayon pa sa alkalde.
Samantala, extended rin naman hanggang sa Marso 31, 2023 ang pagbabayad ng real property tax (RPT) sa lungsod, gayundin ang pagbibigay ng amnestiya sa interes ng mga delingkwenteng real property taxpayers sa lungsod.
Ani Teodoro, batid niya ang hirap sa pinagdaanang krisis ng mga maliliit na naghahanapbuhay at namumuhunan, maging ang mga pamilya at indibidwal, kaya sila ay binibigyan ng 100% relief o amnesty para sa mga hindi pa nababayarang multa sa buwis sa negosyo o business tax, at multa sa amilyar o RPT.
“Dapat silang bigyan ng pagkakataon na makapagbayad nang walang surcharge at interest, multa o penalty. ‘Yung principal amount na lang ang babayaran para makabawas sa bigat ng alalahanin nila, para makabangon ang lahat,” aniya pa.