Inihayag ng pamahalaang lungsod ng Las Piñas nitong Sabado, Enero 21, na ang deadline para sa pag-renew ng mga business permit ay pinalawig pa mula Enero 20 hanggang Enero 31.

Nilagdaan ni Mayor Imelda Aguilar ang resolusyon na nagpapalawig ng panahon para sa pagbabayad ng business permits, lisensya, buwis, at iba pang katulad na commercial fees at charges nang walang dagdag na singil at multa.

Ang resolusyon ay ipinasa at inaprubahan ng Konseho ng Lungsod noong Enero 16.

Sinabi ni Aguilar na ginawa nila ang hakbang dahil ang Business Permit and Licensing Office (BPLO) ay nakakatanggap ng maraming business permit registration at renewal applications.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Aniya, nakasaad sa resolusyon na ang pagpapalawig ng deadline para sa pagbabayad ng mga business permit at lisensya ay hindi lamang maghihikayat sa pag-aayos ng mga bayarin at singil kundi para mapabilis din ang mga koleksyon. Binibigyang-daan din nito ang mga delingkwenteng indibidwal at kumpanya na gawing legal ang kanilang mga operasyon sa negosyo.

Sinasabi rin sa resolusyon na ang pagpapalawig sa deadline ay magbabalik sa kapakinabangan ng lungsod dahil ang mga nagbabayad ng buwis ay makakasunod sa mandatoryong obligasyon ng pagbibigay ng mga kita sa pamahalaang lungsod.

Nanawagan ang alkalde sa mga business establishment na mag-renew ng kanilang permit at buwis dahil nabigyan na sila ng mahabang panahon para ayusin ang kanilang mga obligasyon.

Jean Fernando