Patuloy na nakataas sa Alert Level 2 ang Bulkang Mayon sa Albay dahil sa patuloy na pamamaga nito, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa pagmamanman sa bulkan mula alas singko ng madaling araw kahapon, Enero 20, hanggang alas singko ng madaling araw ngayong araw, nabatid ng Phivolcs na nagkaroon ng katamtamang pagsingaw ng usok mula sa bunganga ng bulkan sa direksyong kanluran-hilagang kanluran.
Ayon sa Phivolcs, maaaring maganap ang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions. Bukod dito, maaari ring maganap ang rockfall mula sa tuktok ng bulkan maging ang pagdaloy ng lahar kung magkakaroon man ng matinding pag-ulan.
Dahil dito, mariing pinagbabawal ang publiko na pumasok sa anim na kilometrong (6 km) radius sa Permanent Danger Zone maging ang pagpapalipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan.