Patay ang 12-anyos na batang lalaki nang hindi mailabas ng kaniyang mga kaanak mula sa nasusunog nilang tahanan sa Tondo, Manila nitong Sabado.

Ang biktima ay nakilalang si Carlo Cruz, 12, at residente ng Sandico St., sa Tondo.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Batay sa ulat ni Arson Investigation chief, Fire Senior Inspector Alejandro Ramos, nagsimula ang sunog dakong alas-11:17 ng umaga sa Sandico St., kanto ng Barcelona St., sa Tondo.

Mabilis umanong nagsilikas ang mga residente nang magsimulang lumaki ang sunog.

Ayon sa ama ng biktima na si Baltazar, tinangka ng kaniyang asawa at mga kaanak na mailabas ng bahay at iligtas ang anak ngunit nabigo sila dahil sa may kalakihan aniya ang katawan nito.

Naging mabilis din anila ang pagkalat ng apoy sa may 20 kabahayan sa lugar, na pawang gawa lamang sa light materials.

Bukod dito, naging pahirapan rin umano sa suplay ng tubig dahil sa kawalan ng fire hydrant doon.

Nabatid na umabot sa ikatlong alarma ang sunog, bago tuluyang naapula dakong ala-1:35 ng hapon.

Sa pagtaya ng mga otoridad, aabot sa P350,000 ang halaga ng mga ari-arian na napinsala sa sunog.

Patuloy pa namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad upang matukoy ang pinagmulan ng apoy at kung ilan ang pamilyang apektado nito.