Inanunsyo ng Department of Information and Communications Technology (DICT) nitong Huwebes, Enero19, na maaaring ma-reactivate sa bagong subscriber identity module (SIM) card ang isang SIM card na nawala o nanakaw.

Ayon kay DICT spokesperson at undersecretary Anna Mae Lamentillo sa ulat ng PNA, mare-reactivate ang nawalang SIM card sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng mobile user sa telecommunications (telcom) provider dala ang mga requirement tulad ng isang valid ID at affidavit of loss.

Binigyang-diin naman ni Lamentillo na isang krimen ang pagnanakaw ng SIM cards at maaaring maparusahan ang mga magbebenta nito.

Ayon sa batas, makukulong ang sinumang magiging sangkot sa pagbebenta ng nakaw na SIM card ng anim na buwan hanggang dalawang taon. Maaari rin silang pagmultahin ng hanggang ₱300,000.

Samantala, sinabi rin ni Lamentillo na inihahanda na ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at telcos ang mga pamantayan sa pag-rollout ng SIM registration sa malalayong lugar.

Itinala ng DICT na umabot na nitong Miyerkules, Enero 18, sa 22,298,020 ang rehistradong SIM cards mula nang ipatupad ang SIM Card Registration Act noong Disyembre 27, 2022. Tinatayang 13.20% ito ng lahat ng active SIM cards sa buong bansa.