Inihain ni Senador Raffy Tulfo ang Senate Bill 1696 o ang Magna Carta for Barangay Officials, Personnel and Volunteer Workers nitong Biyernes, Enero 20, sa layong mabigyan ng mas mataas na sahod at mga benepisyo ang mga empleyado sa barangay, maging ang volunteers at health personnel nito.

Sa kaniyang Facebook post, binigyang diin ni Tulfo na karamihan sa mga tanod at barangay health workers ay nasa ₱2,500 lamang kada buwan ang sinasahod o mas mababa pa.

“Hindi sapat ang halagang ito para bumuhay ng isang pamilya at lalong hindi ito makatarungan dahil ang ginagampanang trabaho ng mga tanod sa araw araw nilang duty ay mapanganib. Rumoronda sila sa kasuluk-sulukan ng barangay para masiguro ang katahimikan at kaligtasan ng mga residenteng kanilang nasasakupan,” ani Tulfo.

Sa ilalim ng panukalang batas, makatatanggap ang bawat barangay worker ng salary rate na nakapailalim sa Position Classification and Compensation Scheme.

Dagdag pa rito, mabibigyan din sila ng insurance coverage sa Government Service Insurance System (GSIS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at PagIBIG Fund.

Layon din ng Senate Bill 1696 na magkaroon ang barangay workers ng hazard allowances at death and burial benefits.