BAYAMBANG, Pangasinan -- Pinabulaanan ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang ulat na nagpakamatay umano ang limang onion farmers dahil sa labis na pagkalugi sa gitna ng mataas na presyo ng mga sibuyas. 

“Walang katotohanan ang kumakalat na balita tungkol sa limang magsasakang nag-suicide sa bayan ng Bayambang dahil sa pagtaas ng presyo ng sibuyas," ani Mayor Jose-Quiambao sa kaniyang Facebook page.

Sa pagbanggit sa datos ng Rural Health Unit at Bayambang Municipal Police Station, muling iginiit ni Mayor Jose-Quiambao na walang naitalang kaso ng pagpapakamatay na nauugnay sa mataas na presyo ng sibuyas ngayong taon.

Ipinaliwanag ng alkalde na ang tinutukoy sa mga balita ay ang kaso ng isang magsasaka na nagpakamatay noong Enero 2021 dahil sa armyworms infestation at hindi dahil sa anumang nauugnay sa presyo ng sibuyas.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Dahil sa napaulat na insidente ng pagpapatiwakal, hiniling ng  Department of Interior and Local Government (DILG) sa pulisya na magsagawa ng imbestigasyon.

NIlinaw din ng LGU-Bayambang na walang harassment sa mga residente habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Nilinaw din ni Colonel Jeff Fanged, Pangasinan Police Provincial Director, na wala umanong harassment na ginawa ang mga pulis laban sa mga magsasaka o kanilang pamilya.

“If the allegations were true, this Office will subject them for corrective measures and such actions by our colleagues will not be not tolerated,” ani Col. Fanged.