Patuloy pa ring binabaha ang 287 lugar sa Pilipinas dahil sa walang tigil na pag-ulan dulot ng low pressure areas, shear line, at Northeast Monsoon o Amihan mula pa noong Enero 2.

Ayon sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), walong rehiyon pa rin ang apektado ng pagbaha, partikular na ang Central Luzon, Mimaropa, Bicol Region, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region at BARMM.

Narito ang bilang ng mga lugar na baha pa rin sa mga naturang rehiyon:

Eastern Visayas - 121

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Bicol Region - 83

Zamboanga Peninsula - 30

Central Luzon - 18

Mimaropa - 13

Central Visayas - 10

Davao region - 10

BARMM - 2

Kinumpirma ng NDRRMC nitong Huwebes, Enero 19, na umabot na sa 33 ang naiulat na nasawi dahil sa nasabing patuloy na pagsama ng panahon. Bukod dito, pito rin ang naitalang nawawala habang 12 naman ang sugatan.

Umakyat na rin sa 20,324.5 ang bilang ng mga magsasakang nasalanta ng walang tigil na pag-ulan bunsod ng tinatayang ₱414,347,212.63 nasirang halaga sa produksyon ng agrikultura.

Samantala, ₱206,956,824.68 halaga ng imprastraktura at ₱3,726,000 halaga ng kabahayan ang naitala ng NDRRMC na nasira.

Sa ngayon ay nasa 415,133 pamilya o 1,689,119 indibidwal na ang naapektuhan ng masamang panahon sa buong bansa. Tinatayang 47,464 pamilya o 196,431 katao rito ang nasa loob na ng 496 evacuation centers.