Gamit lamang ang bunot ng niyog at driftwoods, nakagagawa ang 65 taong gulang na si Romulo Revilla Sr. kasama ang kaniyang 36 taong gulang na anak na si Jhun Revilla Jr., mula sa Banaybanay, Davao Oriental ng sculptures ng mga hayop at iba pang mga bagay.

Sa panayam ng Balita Online, ibinahagi ni Jhun na nagsimula silang gumawa ng mga sculpture noong 2016 gamit ang napupulot nilang bunot ng niyog at kahoy sa bundok at tabing-dagat.

Naisipan daw nilang gawing arts ang mga kahoy at bunot ng niyog upang i-recycle at upang bigyan pa ng halaga ang mga bagay na akala ng iba ay patapon na.

“Gusto rin naming ipakilala na may magagawa pang iba sa niyog na arts,” ani Jhun.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

“‘Pag wala po kaming trabaho sa construction, gumagawa kami ng mga arts na mga ganito para rin kung may magkagusto, ibebenta po namin, dagdag sa pang-araw-araw po namin,” dagdag niya.

Ayon kay Jhun, nasa tatlong araw ang ginugugol nilang mag-ama para matapos ang isang sculpture na gawa sa bunot ng niyog. Pinakamatagal naman nilang nagawa ang sculpture ng isang leon na gawa sa driftwood. Inabot umano sila ng apat hanggang limang buwan upang matapos ito.

“Kasi gawa po itong lion sa mga maliliit na driftwood na napupulot namin sa bukid at dagat. Puzzle siya kumbaga. Kung ano ang hugis ng driftwood na maliliit, sinasabay po namin para magka-anyo ang lion na gawa namin,” aniya.

Larawan mula kay Jhun Revilla Jr.

Sa mga nais makita ang iba pang obra ng mag-ama, narito ang kanilang FB page: https://www.facebook.com/profile.php?id=100054276757853

“Tangkilikin po sana natin ang mga gawang pinoy. Ipagmalaki po natin ang mga gawang pinoy,” ani Jhun.