Ikinuwento ng sikat na gaming streamer na si Elyson Caranza o mas kilala bilang si "GHOST Wrecker" sa vlog ni Ninong Ry, na handa siyang i-delete ang kaniyang Facebook page para sa kaniyang anak.
Aniya, "Actually, kahit matanggal ako sa Facebook gaming o mag-resign ako, puwede pa naman ako mag-stream eh. Ang problema kapag nag-stream ako, ang hinahanap ng tao is yung pagiging palamura ko. May anak na ako eh, kapag yung anak ko nakakabasa na ide-delete ko yung page ko."
Dagdag pa niya, ayaw niyang makita ng anak niya ang pagiging trashtalker, at hindi lang ito upang maging responsable siyang ama kundi pagiging tamang tao at livestreamer.
"Hindi lang sia pagiging responsable eh, pagiging tamang tao at personality rin," paliwanag ni Wrecker.
Ibinahagi rin ni Wrecker na noon daw ay nakapokus lamang siya sa gustong mapanood ng fans niya at sa perang nakukuha niya sa livestream. Inaamin naman ni Wrecker na mali yung ginawa niya at guilty siya sa mga batang nakakapanood sa livestream niya.
"Guilty ako na may mga ibang bata na nakakapanood sa akin, pero yung mga panahon na iyon nagmatter lang sa akin is, yung gustong mapanood ng fans ko at yung benefit, kumikita ako," pagbabahagi niya.
Ayon rin ka Wrecker, dapat noon pa raw niya isinabuhay yung mga komento ng netizens sa kaniya at para hindi mas lalong ma-guilty siya ngayon sa anak niya.
Aminado rin ang sikat na food content creator na si Ninong Ry na mali sila sa pagsabi sa fans na "Edi, huwag niyo kami panoorin."
Aniya, "Dati yung defense mechanism natin yung pagsabi sa fans na huwag na nila tayong panoorin, pero mali pala tayo."
Idiniin rin ni Ninong Ry na bilang isang content creator dapat maging responsable at isipin ang pananaw ng audience.
"Dapat bilang content creator, mayroon din tayong responsibilidad eh. Naging masyadong stubborn lang ako dati, may mga tools naman pala doon eh, i-bleep, at i-mute," paliwanag ni Ninong Ry.
Dagdag pa niya, "At least ngayon, na-try ko na yung perfect balance kung saan nagiging totoo pa rin ako sa sarili ko at the same time medyo naging responsable para sa mga nakababatang audience."
Aprub naman sa netizens ang napag-usapan ng dalawa.