Inaasahang darating na sa bansa sa mga susunod na buwan ang mahigit sa isang milyong doses ng bivalentCovid-19vaccines na idinonate sa Pilipinas, sa pamamagitan ng COVAX facility at ng iba pang bansa.
Sa isang Viber message nitong Huwebes, sinabi ng pamunuan ng Department of Health (DOH) na ang darating na batch na ito ng bakuna ay pawang donasyon.
Hindi pa anila ito kasama sa mga bakunang nakatakdang bilhin ng national government.
“While the procurement process of the bivalent vaccines are still ongoing, the DOH is in continuous coordination for the donations through the COVAX facility and other countries. We are expecting more than 1M doses to arrive in the coming months, depending on the negotiations,” mensahe pa ng DOH.
Nilinaw naman ng DOH na sa ngayon ay wala pang bivalent vaccines na itinuturok sa mga mamamayan.
Matatandaang una nang kinumpirma ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na nagpalabas na ang Food and Drug Administration (FDA) ng emergency use authorization (EUA) para sa bivalent vaccines ng Moderna at Pfizer.
Plano ng DOH na maging available ang bivalent vaccines sa bansa sa unang bahagi ng kasalukuyang taon.