Sinisi ni dating Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar ang nasabing ahensya ng gobyerno dahil sa kapalpakan umano sa mga hakbang nito na nagresulta sa nararanasang kakulangan sa suplay ng sibuyas sa bansa.
Binanggit ni Dar sa panayam sa telebisyon na binalaan na ang mga opisyal ng DA noong Agosto 2022 sa posibleng maranasang shortage dahil paubos na ang suplay ng produkto.
Hindi aniya mangyayari ang nararanasang shortage ng produkto kung nagpatuloy sa pag-aangkat ang pamahalaan.
Matatandaang umabot sa ₱700 kada kilo ang presyo ng sibuyas sa ilang pamilihan sa Metro Manila nitong nakaraang holiday season.
Kamakailan, inilunsad ng pamahalaan ang Kadiwa program nito sa Metro Manila kung saan nag-aalok ng ₱170 kada kilo ng sibuyas ang mga outlet nito bilang tulong sa mahihirap na pamilya.
Dahil dito, nanawagan si Dar na magtalaga na lang si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng permanenteng kalihim ng DA na tututok sa sitwasyon.
Si Marcos ang tumatayong kalihim ng DA habang wala pang naitatalagang pinuno nito.
Matatandang bumaba ng puwesto bilang DA secretary si Dar noong Hunyo 30, 2022 matapos italaga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 5, 2019, kapalit ni Emmanuel "Manny" Piñol.