Patay ang isang ginang habang sugatan ang kaniyang anak at isang motorcycle rider nang ma-hit-and-run ng isang sports utility vehicle (SUV) habang nakatayo sa gilid ng kalsada at naghihintay upang makatawid sa Antipolo City noong Lunes ng madaling araw.

Naisugod pa sa Quirino Memorial Medical Center ang ginang na si Wilma Nague ngunit dead on arrival na ito dahil sa matinding pinsala sakaniyangulo at katawan habang nilalapatan pa ng lunas sa naturang pagamutan angkaniyanganak na si Jon Denmark Nague.

Bahagya namang nasugatan ang motorcycle rider na si Jomar Jose Auxtero, na sinasabing nadamay lamang sa aksidente.

Samantala, nakatakas naman ang driver ng itim na SUV, na sinasabing nakabangga sa mag-ina.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Batay sa inisyal na ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-5:20 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa Marcos Highway, Brgy. Mambugan, Antipolo City, tapat ng Francisville Subdivision.

Lumilitaw na nag-aabang umano sa gilid ng northbound lane ng Sumulong Highway ang mag-inang Nague, upang makatawid sa southbound lane, nang bigla na lang umanong mabangga ng isang humaharurot na itim na SUV.

Tumilapon umano ang ginang na nagresulta sa agaran nitong kamatayan habang nasugatan rin ang kanyang anak.

Bahagya namang nasugatan si Auxtero na sakay ng kanyang Yamaha Mio motorcycle, nang tumama sa kanya ang tumilapong si Gng. Nague.

Sa halip naman umanong hintuan sila ng driver ng SUV at tulungan ay humarurot ito at tumakas patungo sa direksiyon ng Antipolo City proper.

Mabilis namang naisugod ng rescue ambulance ang mga biktima sa pagamutan ngunit patay na ang ginang.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad upang matukoy kung sino ang naka-hit-and-run sa mga biktima para mapanagot ito sa krimen.

Tinutukoy na rin umano ng mga otoridad kung posibleng may liability rin ang rider na si Auxtero sa insidente.